TATA SELO Ni Rogelio Sikat

Carolene Sim

AB English II



Pagsusuri

TATA SELO

Ni Rogelio Sikat

Maliit lamang sa simula ang kalumpon ng taong nasa bakuran ng munisipyo, ngunit ng tumaas ang araw, at kumalat na ang balitang tinaga at napatay si Kabesang Tano, ay napuno na ang bakuran ng bahay-pamahalaan.

Naggitgitan ang mga tao, nagsiksikan, nagtutulakan, bawat isa’y naghahangan makalapit sa istaked.

“Totoo ba, Tata Selo?”

“Binawi niya ang aking saka kaya tinaga ko siya.”

Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na nakahawak sa rehas. May nakaalsang putok sa noo. Nakasungaw ang luha sa malabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. Kupas ang gris niyang suot, may mga tagpi na ang siko at paypay. Ang kutod niyang yari sa matibay na supot ng asin ay may bahid ng natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang magbubukid ang kanyang kahangga, na isa sa nakalusot sa mga pulis na sumasawata sa nagkakagulong tao.

“Hindi ko ho mapaniwalaan, Tata Selo,” umiiling na wika ng kanyang kahangga, “talagang hindi ko ho mapaniwalaan.”

Hinaplus-haplos ni tata Selo ang ga-daliri at natuyuan na ng dugong putok sa noo. Sa kanyang harapan, di kalayuan sa istaked, ipinagtitilakan ng mga pulis ang mga taong ibig makakita sa kanya. Mainit ang Sikat ng araw na tumatama sa mga ito, walang humihihip na hangin at sa kanilang ulunan ay nakalutang ang nagsasalisod na alikabok.

“Bakit niya babawiin ang saka?” tanong ng Tata Selo. “Dinaya ko na ba siya sa partihan? Tinuso ko na ba siya? Siya ang may-ari ng lupa at kasama lang niya ako. Hindi ba’t kaya maraming nagagalit sa akin ay dahil sa ayaw kong magpamigay ng kahit isang pinangko kung anihan?”

Hndi pa rin umalis sa harap ng istaked si Tata Selo. Nakahawak pa rin siya sa rehas. Nakatingin siya sa labas ngunit wala siyang sino mang tinitingnan.

Hindi mo na sana tinaga ang Kabesa,” anang binatang anak ng pinakamayamang propitaryo sa San Roque, na tila isang magilas na pinunong bayan nakalalahad sa pagitan ng maraming tao sa istaked. Mataas ito, maputi, nakasalaming may kulay, at nakapamaywang habang naninigarilyo.

“Binabawi po niya ang aking saka,” sumbong ni Tata Selo. “Saan pa po ako pupunta kung wala na akong saka?”

Kumumpas ang binatang mayaman. “Hindi katwiran iyan para tagain mo ang Kabesa. Ari niya ang lupang sinasaka mo. Kung gusto ka niyang paalisin, mapapaalis ka niya anumang oras.”

Halos lumabas ang mukha ni Tata Selo sa rehas.

“Ako po’y hindi ninyo nauunawaan,” nakatingala at nagpipilit ngumiting wika niya sa binatang nagtapon ng sigarilyo at mariing tinapakan pagkatapos. “alam po ba ninyong dating amin ang lupang iyon? Naisangla lamang po nang magkasakit ang aking asawa, naembargo lamang po ng Kabesa. Pangarap ko pong bawiin ang lupang iyon kaya nga po ako hindi nagbibigay ng kahit isang pinangko kung anihan. Kung hindi ko na naman po mababawi, masasaka man lamang po.nakikiusap po ako sa Kabesa kangina. ‘kung maaari po sana, ‘Besa’’, wika ko po, ‘kung maaari po sana, huwag naman po ninyo akong paalisin. Kaya ko pa pong magsaka, ‘Besa. Totoo pong ako’y matanda na, ngunit ako pa nama’y malakas pa.’ Ngunit…Ay! Tinungkod po niya ako nang tinungkod, Tingnan po n’yong putok sa aking noo, tingnan po ‘nyo.”

Dumukot ng sigarilyo ang binata. Nagsindi ito at pagkaraa’y tinalikuran si Tata Selo at lumapit sa isang pulis.

“Pa’no po ba’ng nangyari, Tata Selo?”

Sa pagkakahawak sa rehas, napabaling si Tata Selo. Nakita niya ang isang batang magbubukid na nakalapit sa istaked. Nangiti si Tata Selo. Narito ang isang magbubukid, anak-magbubukid na naniniwala sa kanya. Nakataas ang malapad na sumbrerong balanggot ng bata.

Nangungulintab ito, ang mga bisig at binti ay may halas. May sukbit itong lilik.

“Pinuntahan niya ako sa aking saka, amang,” paliwanag ni Tata Selo. “Doon ba sa may sangka. Pinaalis ako sa aking saka, ang wika’y iba na raw ang magsasaka. Nang makiusap ako’y tinungkod ako. Ay! Tinungkod ako, amang, nakikiusap ako sapagkat kung mawawalan ako ng saka ay saan pa ako pupunta?”

“Wala na nga kayong mapupuntahan, Tata Selo.”

Gumapang ang luha sa pisngi ni Tata Selo. Tahimik na nakatingin sa kanya ang bata.

“Patay po ba?”

Namuti ang mga kamao ni Tata Selo sa pagkakahawak sa rehas. Napadukmo siya sa balikat.

“Pa’no po niyan si Saling?” muling tanong ng bata. Tinutukoy nito ang maglalabimpitong anak ni Tata Selo na ulila na sa ina.

Katulong ito kina Kabesang Tano at kamakalawa lamang umuwi kay Tata Selo. “Pa’no po niyan si Saling?”

Lalong humigpit ang pagkakahawak ni Tata Selo sa rehas. Hindi pa nakakausap ng alkalde si Tata Selo. Mag-aalas-onse na nang dumating ito, kasama ang hepe ng pulis. Galing sila sa bahay ng kabesa. Abut-abot ang busina ng dyip na kinasaksakyan ng dalawang upang mahawi ang hanggang noo’y di pa nag-aalisang tao.

Tumigil ang dyip sa di-kalayuan sa istaked.

“Patay po ba? Saan po ang taga?”

Naggitgitan at nagsiksikan ang mga pinagpawisang tao. Itinaas ng may-katabaang alkalde ang dalawang kamay upang payapain ang pagkakaingay. Nanulak ang malaking lalaking hepe.

“Saan po tinamaan?”

“Sa bibig.” Ipinasok ng alkalde ang kanang palad sa bibig, hinugot iyon at mariing ihinagod hanggang sa kanang punog tainga. “Lagas ang ngipin.”

Nagkagulo ang mga tao. Nagsigawan, nagsiksikan, naggitgitan, nagtulakan. Nanghataw ng batuta ang mga pulis. Ipinasya ng alkalde na ipalabas ng istaked si Tata Selo at dalhin sa kanyang tanggapan. Dalawang pulis ang kumuha kay Tata Selo sa istaked.

“Mabibilanggo ka niyan, Tata Selo,” anang alkalde pagkapasok ni Tata Selo. Umupo si Tata Selo sa silyang nasa harap ng mesa. Nanginginig ang kamay ni Tata Selo nang ipatong niya iyon sa nasasalaminang mesa.

“Pa’no nga ba’ng nangyari?” kunot at galit na tanong ng alkalde. Matagal bago nakasagot si Tata Selo.

“Binawi po niya ang aking saka, Presidente,” wika ni Tata Selo. “Ayaw ko pong umalis doon. Dati pong amin ang lupang iyon, amin, po, Naisangla lamang po at naembargo—“

“Alam ko na iyan,” kumukupas at umiiling na putol ng nabubugnot na alkalde.

Lumunok si Tata Selo. Nang muli siyang tumingin sa presidente, may nakasungaw nang luha sa kanyang malalabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata.

“Ako po naman, Presidente, ay malakas pa,” wika ni Tata Selo. “Kaya ko pa pong magsaka. Makatuwiran po bang paalisin ako? Malakas pa po naman ako, Presidente, malakas pa po.”

“Saan mo tinaga ang Kabesa?”

Matagal bago nakasagot si Tata Selo.

“Nasa may sangka po ako nang dumating ang Kabesa. Nagtatapal po ako ng pitas na pilapil. Alam ko pong pinanonood ako ng kabesa, kung kaya po naman pinagbuti ko ang paggawa, para malaman niyang ako po’y talagang malakas pa, kaya ko pa pong magsaka. Walang anu-ano po, tinawag niya ako at nang ako po’y lumapit, sinabi niyang makakaalis na ako sa aking saka sapagkat iba na ang magsasaka.

‘Bakit po naman, ‘Besa?’ tanong ko po. Ang wika’y umalis na lang daw po ako. ‘Bakit po naman, ‘Besa?’ Tanong ko po uli, ‘malakas pa po naman ako, a’ Nilapitan po niya ako. Nakiusap pa po ako sa kanya, ngunit ako po’y… Ay! Tinungkod po niya ako ng tinungkod nang tinungkod.”

“Tinaga mo na no’n,” anag nakamatyag na hepe.

Tahimik sa tanggapan ng alkalde. Lahat ng tingin—may mga eskribante pang nakapasok doon—ay nakatuon kay Tata Selo. Nakayuko si Tata Selo at gagalaw-galaw ang tila mamad na daliri sa ibabaw ng maruming kutod. Sa pagkakatapak sa makintab na sahig, hindi mapalagay ang kanyang may putik, maalikabok at luyang paa.

“Ang iyong anak, na kina Kabesa raw?” usisa ng alkalde.

Hindi sumagot si Tata Selo.

“Tinatanong ka anang hepe.”

Lumunok si Tata Selo.

“Umuwi na po si Saling, Presidente.”

“Kailan?”

“Kamakalawa po ng umaga.”

“Di ba’t kinakatulong siya ro’n?”

“Tatlong buwan na po.”

“Bakit siya umuwi?”

Dahan-dahang umangat ang mukha ni Tata Selo. Naiiyak na napayuko siya.

“May sakit po siya.”

Nang sumapit ang alas-dose—inihudyat iyon ng sunod-sunod na pagtugtog ng kampana sa simbahan na katapat lamang ng munisipyo—ay umalis ang alkalde upang mananghalian. Naiwan si Tata Selo, kasama ang hepe at dalawang pulis.

“Napatay mo pala ang kabesa,” anang malaking lalaking hepe. Lumapit ito kay Tata Selo na

Nakayuko at di pa natitinag sa upuan.

“Binabawi po niya ang aking saka.” Katwiran ni Tata Selo. Sinapo ng hepe si Tata Selo. Sa lapag halos mangudngod si Tata Selo.

“Tinungkod po niya ako ng tinungkod,” nakatingala, umiiyak at kumikinig ang labing katwiran ni Tata Selo.

Itinayo ng hepe si Tata Selo. Kinadyot ng hepe si Tata Selo sa sikmura. Sa sahig napaluhod si

Tata Selo, nakakapit sa uniporment kaki ng hepe.“Tinungkod po niya ako ng tinungkod… Ay! Tinungkod po niya ako ng tinungkod ng tinungkod…”

Sa may pinto ng tanggapan, naaawang nakatingin ang dalawang pulis.

“Si Kabesa kasi ang nagrekomenda kay Tsip, e,” sinabi ng isa nang si Tata Selo ay tila damit na nalaglag sa pagkakasabit nang muling pagmalupitan ng hepe.

Mapula ang sumikat na araw kinabukasan. Sa bakuran ng munisipyo nagkalat ang papel na naiwan nang nagdaang araw. Hindi pa namamatay ang alikabok, gayong sa pagdating ng buwang iyo’y dapat nang nag-uuulan. Kung may humihihip na hangin, may mumunting ipu-ipong nagkakalat ng mga papel sa itaas.

“Dadalhin ka siguro sa kabesera, Selo,” anang bagong paligo at bagong bihis na alkalde sa matandang nasa loob ng istaked. “Don ka suguro ikukulong.”

Wala ni papag sa loob ng istaked at sa maruming sementadong lapag nakasalampak si Tata Selo. Sa paligid niya’y natutuyong tamak-tamak na tubig. Naka-unat ang kanyang maiitim at hinahalas na paa at nakatukod ang kanyang tila walang butong mga kamay. Nakakiling, naka-sandal siya sa steel matting na siyang panlikurang dingding ng istaked. Sa malapit sa kanyang kamay, hindi na gagalaw ang sartin ng maiitim na kape at isang losang kanin. Nilalangaw iyon.

“Habang-buhay siguro ang ibibigay sa iyo,” patuloy ng alkalde. Nagsindi ito ng tabako at lumapit sa istaked. Makintab ang sapatos ng alkalde.

“Patayin na rin ninyo ako, Presidente.” Paos at bahagya nang narinig si Tata Selo. Napatay ko po ang Kabesa. Patayin na rin ninyo po ako.”Takot humipo sa maalikabok na rehas ang alkalde. Hindi niya nahipo ang rehas ngunit pinagkiskis niya ng mga palad at tiningnan niya kung may alikabok iyon. Nang tingnan niya si Tata Selo, nakita niyang lalo nang nakiling ito.

May mga tao namang dumarating sa munisipyo. Kakaunti lang iyon kaysa kahapon. Nakapasok ang mga iyon sa bakuran ng munisipyo, ngunit may kasunod na pulis. Kakaunti ang magbubukid sa bagong langkay na dumating at titingin kay Tata Selo. Karamihan ay taga-Poblacion. Hanggang noon, bawat isa’y nagtataka, hindi makapaniwala, gayong kalat na ang balitang ililibing kinahapunan ang Kabesa. Nagtataka at hindi makapaniwalang nakatingin sila kay Tata Selo na tila isang di pangkaraniwang hayop na itatanghal.

Ang araw, katulad kahapon, ay mainit na naman. Nang magdadakong alas-dos, dumating ang anak ni Tata Selo. Pagkakita sa lugmok na ama, mahigpit itong napahawak sa rehas at malakas na humagulgol.

Nalaman ng alkalde na dumating si Saling at ito’y ipinatawag sa kanyang tanggapan.

Di-nagtagal at si Tata Selo naman ang ipinakaon. Dalawang pulis ang umalalay kay Tata Selo. Halos buhatan siyang dalawang pulis.

Pagdating sa bungad ng tanggapan ay tila saglit na nagkaroon ng lakad si Tata Selo. Nakita niya ang babaing nakaupo sa harap ng mesa ng presidente.

Nagyakap ang mag-ama pagkakita.

“Hindi ka na sana naparito Saling,” wika ni Tata Selo na napaluhod. “May sakit ka, Saling, may sakit ka!”

Tila tulala ang anak ni Tata Selo habang kalong ang ama. Nakalugay ang walang kintab niyang buhok, ang damit na suot ay tila yaong suot pa nang nagdaang araw. Matigas ang kanyang namumulang mukha. Pinalipat-lipat niya ang tingin mula sa nakaupong alkalde hanggang sa mga nakatinging pulis.

“Umuwi ka na, Saling” hiling ni Tata Selo. “Bayaan mo na…bayaan mo na. Umuwi ka na, anak. Huwag, huwag ka nang magsasabi…”

Tuluyan nang nalungayngay si Tata Selo. Ipinabalik siya ng alkalde sa istaked. Pagkabalik niya sa istaked, pinanood na naman siya ng mga tao.

“Kinabog kagabi,” wika ng isang magbubukid. “Binalutan ng basang sako, hindi ng halata.”

“Ang anak, dumating daw?”

“Naki-mayor.”

Sa isang sulok ng istaked iniupo ng dalawang pulis si Tata Selo. Napasubsob si Tata Selo pagkaraang siya’y maiupo. Ngunit nang marinig niyang muling ipinanakaw ang pintong bakal ng istaked, humihilahod na ginapang niya ang rehas. Mahigpit na humawak doon at habang nakadapa’y ilang sandali ring iyo’y tila huhutukin. Tinawag siya ng mga pulis ngunit paos siya at malayo na ang mga pulis. Nakalabas ang kanang kamay sa rehas, bumagsak ang kanyang mukha sa sementadong lapag. Matagal siyang nakadapa bago niya narinig na may tila gumigising sa kanya.

“Tata Selo…Tata Selo…”

Umangat ang mukha ni Tata Selo. Inaninaw ng mga luha niyang mata ang tumatawag sa kanya.

Iyon ang batang dumalaw sa kanya kahapon.Hinawakan ng bata ang kamay ni Tata Selo na umabot sa kanya.

“Nando’n amang si Saling sa Presidente,” wika ni Tata Selo. “Yayain mo nang umuwi, umuwi na kayo.” Muling bumagsak ang kanyang mukha sa lapag. Ang bata’y saglit na nag-paulik-ulik, pagkaraa’y takot at bantulot nang sumunod…


Mag-iikaapat na ng hapon. Padahilig na ang sikat ng araw, ngunit mainit pa rin iyon. May kapiraso nang lihin sa istaked, sa may dingding na steel matting, ngunit si Tata Selo’y wala roon. Nasa init siya, nakakapit sa rehas sa dakong harapan ng istaked. Nakatingin siya sa labas, sa kanyang malalabo at tila lagi nang nag-aaninaw na mata’y tumatama ang mapulang sikat ng araw. Sa labas ng istaked, nakasandig sa rehas ang batang Inutusan niya kanina. Sinabi ng bata na ayaw siyang papasukin sa tanggapan ng alkalde ngunit hindi siya pinakinggan ni Tata Selo, na ngayo’y hindi pagbawi ng saka ang sinasabi.

Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi niyang lahat ay kinuha na sa kanila, lahat, ay! Ang lahat ay kinuha na sa kanila…

https://www.tagalogshortstories.net/rogelio-sikat---tata-selo.html


VII. Pamagat (Ilagay kung bakit humantong ang may-akda sa ganitong pamagat)

Ang akdang ito ay pinamagatang," Tata Selo, sapagkat siya ang Pangunahing tauhan sa kwento. 

VIII. May-akda (ipakilala ang may-akda)

Rogelio “Roger” R. Sicat Ipinanganak si Rogelio “Roger” R. Sicat noong Hunyo 26, 1940 sa San Isidro Nueva Ecija. Anak siya nina Estanislao Sicat, isang makata at Crisanta Rodriguez.  Isang premyadong  nobelista, kuwentista, mandudula, at tagasalin, si Roger Sicat ay naging guro ng panitikan, malikhaing pagsulat, wika at pagsasalin sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Nagturo rin siya sa Polytechnic University of the Philippines at Loyola House of Studies. Nagtapos siya ng digring batsilyer sa Pamamahayag sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1964,  at nagtapos ng masteral sa Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.  Kinilala siya bilang University Professor ng Unibersidad ng Pilipinas, ang pinakamataas na titulong pangakademiko na iginagawad ng Lupon ng mga Rehente ng UP System.  Naging dekano siya ng Kolehiyo ng Arte at Literatura sa UP Diliman mula 1991 hanggang 1994. Kabilang si Roger Sicat sa mga mahuhusay at kinikilalang manunulat sa Pilipinas na nagtaguyod ng paggamit sa wikang Filipino sa malikhaing pagsulat at pananaliksik Habang nag-aaral sa kolehiyo, naisulat niya ang kanyang unang maikling kuwentong Impeng Negro (1962) na tungkol sa halaga at tagumpay ng pakikipagtunggali. Sa sumunod na taon, naisulat naman niya ang klasikong akdang Tata Selo (1963) na tumalakay naman sa usaping agraryo sa bansa.

IX. Uri ng Akdang Pampanitikan 

Ang akdang 'Tata Selo' ay isang akdang pampanitikang tuluya, at ito ay kabilang sa maikling kwento. 

X. Nilalaman

d. Tauhan

Tata Selo- . Isang matandang magsasaka na inaakusahang tumaga kay kabesang Tano. Siya ay may isang anak na dalawa na nag ngangalang Saling. 

Binatang Mayaman- Maputi, matangkad at nakasalaminng may kulay. Siya ay anak ng pinakamayamang propirtaryo sa bayan ng San Roque.

Presidente o Ang Alkalde Mayor- siya ang kumausap kay Saling. 

Hepe- Isang malaking lalaki na namumuno sa pulisya ng San Roque. Walang-awang pinagmalupitan si Tata Selo sapagkat ang nasawing kabeza de barangay ang nagrekomenda sa kanya sa puwisto.

Kabesang Tano- Ang kabesang nasawi dahil tinaga ni Tata Selo. Ito ang nagmamay-ari ng lupang sinsasaka niya.

Saling- Ang maglalabimpitong taon gulang na dalagang anak ni Tata Selo nanamasukan ng tatlong buwan sa tahanan ng kabesa. Siya ay umuwi ilang araw bago mataga ng tatay niya ang kabesa.

Batang Magbubukid- Isang batang bumisita sa kulungan ni Tata Selo. Siya ay inutusan ni Tata Selo na sunduin si Saling sa bahay ng presidente o alkalde at yayain itong umuwi. Subalit siya ay nabigong makapasok sa tahanan ng alkalde atang makausap man lang si Saling


e. Tagpuan

iskated ng munisipyo sa bayan ng San Roqueb. 

f. Balangkas (Buod)

Unti- unting bumarami ang nagkukumpulan na mga tao sa harap ng munisipyo sapagkat kumalat na ang balita na tinaga ni Tata Selo si Kabesang Tano. Madami ang gustong sumilip at maki isyoso habang nililitis si Tata Selo sa Loob ng isang Iskated. Naka hawak sa rehas at maluha luha ang mga mata na tila ba ay may laging inaaninag. Nagpapaliwanag si Tata Selo kung bakit niya nagawang tagain ang Kabesa ngunit tila walang naniniwala sa kanya. Dumating ang pagkakataon na ang hepe na ng pilisya ang maglilitis sa kanya ngunit sa halip na unawain ay pinagmalupitan siya nito sapagkat may utang na loob ito sa yumaon na Kabesa. Sa kabila ng kalupitan ay patuloy paden na nagpapaliwanag si Tata Selo at nagbabakasakali na may maka unawa sa kanya. Nang sumunod na araw, mag aalas dose ng tanghali ay dumating ang anak ni Tata Selo. Ipinatawag ito ng alkalde sa kanyang tanggapan at ilang sandali pa ay si Tata Selo namam ang iponatawag. Agad na nagyakap ang mag ama nang magkita. Pinapayuhan ng Ama ang kanyang anak na umuwi na lamang at wag nang magsasalita. Nang ikatlong araw na si Tata Selo sa iskated na nililitis, hinang- hina ang kanyang katawa ngunit binisita siya ng isang batang magsasaka sinabihan ito ni Tata Selo na sunduin amg kanyang anak sa tanggapan ng Alkalde na umuwi na, ngunit wasi ito sapagkat ayaw siyang papasukin sa tanggapan ng alkalde. Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi niyang lahat ay kinuha na sa kanila, lahat, ay! Ang lahat ay kinuha na sa kanila… 

XI. Taglay na Bisa (Damdamin, Kaisipan, Asal)

Bisa sa Damdamin

Habang at matapos basahin ang akda ako na nakadama ng lungkot sa aking puso. Nararamdaman ko ang lungkot na nadarama ni Tata Selo sa kanyang nagawa ngunit wala na siyang magawa sapagkat di na niya ito maibabalik. Nakadama rin ako ng awa para kay Tata Selo lalo na nung siya ang pagmalupitan ng Hepe sa kabila na siya ay matanda na. 

Bisa sa Kaisipan

Sa akdang ito, ang isa sa aking mga natutunan at tumatak sa akin isipan ay hindi sagot ang karahasan upang matapos ang isang kaguluhan. Mas mabuti pa na pag usapan ito ng maayos. 

At ang isa pang natutunan ko ay Hindi dapat natin gamitin ang kapangyarihan upang apihon ang mga nasa ibaba. Huwag tayo gumaya kay Hepe sa Kwento na hindi naging patas kay Tata Selo.

Bisa sa Kaasalan

Itatak natin sa ating puso at isipan. Palaging piliin ang tama at mabuti para sa lahat. Maging patas sa lahat ng pagkakataon at huwag abusuhin ang kakayahan na mayroon tayo. 

XII. Kamalayang Panlipunan

Ang mga ganitong uri ng kwento ay nagpapanalala sa atin na talagang sa ating lipunan ay hindi maiiwasan ang mga tao na sakim at mapang abuso sa kapangyarihan. Sila ang nagiging dahilan kung bakit madaming tao ang naghihirap at lalong hindi maka ahon mula sa hirap na ito. Ngunit hindi pa huli ang lahat may magagawa tayo para sa ating lipunan. Simulan natin sa ating sarili. Palagi natin tandaan na anomang panahon at pagkakataon, palagi natin piliin na maging tama at maging mabuti.

Popular posts from this blog

MABANGIS NA LUNGSOD ni Efren R. Abueg

ANG MANGINGISDA ni Ponciano B. Peralta Pineda