ANG MANGINGISDA ni Ponciano B. Peralta Pineda


Carolene D. Sim.                 
AB English II




Pagsusuri

ANG MANGINGISDA

ni Ponciano B. Peralta Pineda

         Maging nang sumabog sa kanyang kamay ang dinamita’y nagsasayaw pa rin sa kanyang isip ang mga lantsa ni Don Cesar na hindi man lamang natitigatig sa hampas ng mga daluyong. Ang ugong ng kanyang motor, sa pandinig niya, ay tila tugtuging nagbubuhat sa radyong nasa nagliliwanag na punduhan nina Fides.

          Ito ang kanyang lakas at pag-asa: ang mga lantsa ni Don Cesar at ang punduhan nina Fides. Ang mga bagay na ito ang nagsilang sa kanyang mithiin. Hindi nawawaglit sa kanyang diwa saglit man. Ang kanyang mithiing binuo ng mga lantsa at ng punduhan ay lalong kinulayan ng mga pangyayaring lumiligid sa kanyang buhay. Katulad ng pangyayaring nakaraan.

          Kanina, nang pakargahan niya ng gasolina ang kanyang motor sa punduhan nina Fides, ay naulit na naman ang kanyang pinakaiiwasan: ang pangungutang kina Fides.

          “Kung maaari sana’y idagdag mo muna sa dati kong utang, ha, Fides?”

          Tiningan lamang siya ni Fides. Ni hindi ito kumibo. Ngunit sumulat sa talaan ng mga pautang.

          Nauunawaan niya ang katotohanang ibinadha ng naniningkit na mga matang iyon: pag-aalinlangan sa katuparan ng kanyang mga pangako. Nahuli niya ang buntot ng sulyap na iyon.

          Nang lumabas siya kahapon, kaparis din ng dalawang araw na napagdaan, ay hindi siya nanghuli ng sapat na makatutugon sa pangangilangan nila ng kanyang ina at sa kanyang utang kina Fides. Kaninang umaga’y  humingi na naman siya ng paumanhin sa ina ni Fides.

          “E, ano ang magagawa natin kung di ka nanghuli,” ang wikang payamot ng in ni Fides.

“Minalas ho ako,” nasabi na lamang niya. “Baka sakaling swertihin ako mamayang gabi.”

Sinabi niya ito upang magpaliwanag; upang humingi ng muling kaluwagan: upang kahit paano’y hugasan ng pakiusap ang kanyang kahihiyan.

Hindi niya nagawang isipin ang pagbabayd kina Fides. Inunahan siya ng pagsasabi ng kanyang ina kanginang umaga ng “Magdiskargo ka muna sa punduhan anak.” Nababatid niyang wala silang ibabayad kung sa bagay.

Nalalaman niyang sinundan siya ng tingin ni Fides at ng ina nito nang siya’y magpaalam. Hindi niya narinig na sinabi sa kanya ang katulad ng naririnig niya sa ina ni Fides kapag hindi nakababayad ang mga mangingisdang mangungutang sa punduhan: “Aba, e Pa’no naman kaya kami kung ganyan nang ganyan? Pare-pareho tayong nakukumpromiso…”

Malaki ang kanyang pag-asa ngayon. Nagtitiwala siya sa kanyang sarili at sa dagat.

“Bukas hoy tinitiyak kong makababayad na ako.”

Gabi na nang umalis siya sa Tangos.

Nakagapos siya sa dagat. Ngunit kailanma’y hindi sumagi sa kanyang muni ang umalpas- ang lumaya. Ipinasya lamang niya ang mabuhay sa dagat, ang maging makapangyarihan sa dagat, kagaya ng may-ari ng mga lantsang pamalakaya sa tabi ng malaking punduhan.

Sapul ng pag-ukulan siya ng pansin ang unang lantsa ni Don Cesar ay nakadama siya ng kakaibang pintig sa kanyang dibdib: Ibig niyang magkaroon ng lantsa balang araw. Pag nagkaroon siya ng lantsa’y hindi nasiya gagamit ng motor; hindi na siya sasagihan ng munti mang pangamba, mangitngit man ang habagat, magngalit man ang sigwa sa laot. Hindi na pansumandaliang lalabas siya sa karagatan. Maaari na niyang marating ang inaabot na mga lantsa ni Don Cesar. Makalalabas na siya nang lingguhan. At pagbabalik niya’y daan-daang tiklis ng isda ang kanyang iaahon. Hindi na rin mangangamba ang kanyang ina kapag hindi siya nakakabayad ng gasolina at langis. Matititigan na niya ang naniningkit na mga mata ni Fides.  Makapagpapakarga na siya ng kung ilang litrong gasoline sa kanyang barko. Kung makakatabi ng kanyang barko ang kay Don Cesar ay magkakaabutan na lamang sila ng mga mangingisda ni Don Cesar. “Ilang araw kayo sa laot, ha?” itatanong niya. Siya’y sasagutin ko. At, “ako’y tatlumpong araw,” sasabihin niya pagkatapos.

Ang hangaring iyon ay tila malusog na halaman: payabong nang payabong, paganda nang paganda sa lakad ng mga araw. Sa pagkakahiga niya kung gabi’y tila kinikiliti siya ng ugong ng mga motor at makina ng mga pangisdang humahaginit tungo sa kalautan. Ang huni ng mga lantsa’y kapangyarihan manding nagbubuhos ng lakas sa kanyang katawan.

“Balang araw, Inang,” ang pagtatapat niya isang gabi,” ay bibili ako ng lantsa.”

“Masiyahan na tayo sa isang bangkang nakapgtatawid sa atin araw-araw.”

“Magsasama tayo ng maraming salapi, Inang. Di na tayo kukulangin. Giginhawa ka na.”

Sa pagkakaupo nila sa tabi ng durungawang nakaharap sa ibayo’y kanilang natanaw ang nagliliwanag na punduhan nina Fides ang nangakadaong na mga lantsa ni Don Cesar. Naririnig hanggang sa kanilang madilim na tahanan ang alingawngaw ng halakhakan ng mga taong nagpapalipas ng mga sandali sa punduhan.

‘Nagniningning ang kanyang mga mata. Ang kanyang puso’y punung-puno ng makulay na pag-asa.

“Talagang bibili ako ng lantsa, Inang.”

Ipinaggiitan ng kanyang ina ang pagkakasiya sa bangka na lamang.

“Ang kaligayahan ng tao, anak…”

Hindi niya naunawaan ang buntot ng pangungusap ng kanyang ina. Ang diwa niya’y nasa malayo. Nasa dagat, nasa laot…

Isang mahabang kawil ng mga taon ang dumaan sa buhay niya bilang mangingisda, bago siya nakapagtipon ng sapat na salaping ibibili ng motor. Iyon ay isa sa makasaysayang pangyayari sa kanyang buhay. Inari niyang isa nang tagumpay na walang pangalawa. Iyon ay ipinagparangalan sa kanyang sarili’t sa kanyang ina.

“Di na ako ga’nong mahihirapan sa pagsagwan kapag ako’y nagpapalaot. Ito na ang simula, Inang…”

Nauunawaan ng ina ang katuwaang nag-uumapaw sa puso ng anak.

“Huwag mong kalimutan ang Maykapal, anak,” ang sabi ng kanyang ina.

Maykapal ang lagging ipinang-aaliw sa kanya. Maykapal sa gitna ng pagdarahop, ng sakit, ng sangkisap-matang katuwaan. Nawawalan siya ng pananalig kung minsa. Kagaya ng kung siya’y hindi pinapalad. Kagaya nitong tatlong araw na nangagdaan.

Nakabili na rin siya ng bagong bangkang pinaglipatan ng motor. Gayon na rin marahil ang damdamin ni Don Cesar nang siya’y unang magkaroon ng lantsang pamalakaya- ito ang wika niya sa sarili.

Higit na nag-ulol ang kanyang mithiin nang maging dalawa ang mga lantsa sa tabi ng punduhan.

Ang kanyang sarili’y malimit niyang tinatanong kung bakit dalawa na ang lantsa sa ibayo: samantalang siya’y hindi nagkakaroon, hanggang ngayon, ng kahit isa man lamang. Ito’y katanungang sumasaklaw nang malaki kapag napag-uukulan niya ng pagmumuni. At lalo itong di niya matugon kung sasaklawin niya ng titig ang gawing hilaga ng ilog; doon ay may punduhan, may mga apugan, may mga pagawaan, may mga bangkang malalaki, may mga bagay na naggagandahan, may mga lantsa, mga barko; ngunit sa gawing timog- sa kanilang pook- ay may mga bahay-pawid na naglawit sa ilog, bangkang maliliit, mga manggagawa, mga mangingisdang porsiyentuhan lamang.

Naging tatlo ang lantsa ni Don Cesar. Palaki nang palaki ang punduhan nina Fides. At siya- nagtutumimbay naman ang kanyang pagmimithi sa lantsa higit pang nagkakulay ang kanyang paghanga sa punduhan.

Minsan ay narinig niyang pinag-uusapan ng kapwa niya mangingisda ang dami ng salaping ipapanhik ng mga lantsang pamalakaya ni Don Cesar.

“Isang labas lang pala ng bagong lantsa ay halos bawi na ang puhunan,” ang pagbabalita ng isa.

“At ang pakinabang sa isang labas, kung sinuswerte’y santaon na nating kikitain,” anang isa pa.

“Ow, di natin kikitain…” ang pabuntot ng isa naman.

Pinagpatibay ng ganitong usapan ang kanyang mithiin.

Isinalaysay niya sa kanyang ina ang balitang nasagap sa umpukan.

“Kita mo na, Inang” ang pagmamalaki niya, “biro mo iyon! Di ka na mahihirapan…”

Hindi makapangusap ang kanyang ina.

“… Di ka na gagawa…”

Pinigil na lamang ng kanyang ina ang pangingilid ng luhang ikinubli sa kadiliman.

Hindi siya nilayuan ng pagkayamot nitong nagdaang tatlong araw.

“Malas,” wika niya, “malas na malas.”

Marahil, naisip niya, kung lantsa ang kanyang gagamitin sa pangingisda’y hindi siya magkakagayon. Kung may lantsa siya’y malayo ang kanyang aabutin; lalaban sila sa panahon; makakarating siya sa malalim na pangisdaan; aariin niya ang mga isda ng buong karagatan. Hindi uuwi nang walang huli.Kahit humangin.Kahit sumigwa. Uuwi siyang may huli… maraming huli. Magagalak ang kanyang ina. Hindi na sila maghihikahos…

Kangina, nang umalis siya sa kanilang tahanan upang magpakarga ng gasoline sa punduhan, ai ipinasya na niyang isangla, o ipagbili kaya ang kanyang motor para makabayad sa kanyang utang. Subalit hindi niya nagawa iyon. Mahal sa kanya ang motor, mahal na mahal. Hindi niya ipinagbili ni isasangla, kanino man. Ang motor niya, ayon sa kanya, ay singkhulugan ng lantsang hantungan ng kanyang mga pangarap.

 Hindi siya uuwi ng walang maraming huli ngayon;ito ang kaniyang pasiya. Walang salang mag-uuwi siya ng maraming isda. Tiniyak niya iyon sa ina ni Fides.

“Bukas ho’y tinitiyak kong makababayad na ako.”

Ayaw niyang isagawa ang kanyang balak.Nalalaman niya ang maaaring ibunga niyon.Nababatid niyang ipagbabawal ipinagbabawal ng batas.

Napasama na rin siya sa paggamit ng pamamaraang iyon noong araw. Ilang beses lamang naman. At wala namang napahamak sa kanila. Hindi naman sila nadakip.Nag-uwi sila ng maraming isda noon.Malaki ang kanilang napakinabang.

Ngayon, hindi dadako ang patrolya ng mga baybayin sa gawing tutunguhin nila, ganito ang kanyang naisip. Siguradong walang sagabal; walang makahuhuli;walang magsusuplong;walang magbabawa. Saka minsan lang naman.

Pinag-ingatan niya ang pagkakabalot ng dalawang malalaking dinamita sa ilalim ng kanyang upuang nasasapnan ng lona. Hindi niya gagamitin iyon-kung…  kung siya’y papalarin…nasa laot na siya. Waring ibig lumikot ng hangin, habang tumatanda ang gabi.Laganap ang karimlan. Kukuti-kutitap ang mga ilaw ng mga mangingisda sa kalawakan ng dagat. Wala rin siyang huli. Pagod na siya sa kahahagis ng kanyang lambat. Gayun ma’y naging kakatuwa ang kanyang dama. Tiyak, tiyak nang makababawi siya sa kawan; makakabawi siya sa kawan. Muling inihagis ang kanyang lambat.Maganda ang pagkakaladlad ng laylayan niyon.Natuwa siya.Natiyak ang kawan.Hindi siya ililigaw ng kanyang karanasan.Mag-uuwi siya ng maraming isda.Ipambabayad niya ang kanyang huli.Lumulukso ang kanyang puso.Inigot ang lambat.Mabigat.Inigot muli.Ginamit ang kanyang lakas. Mabigat! Muling inigot.Inigot. At iyon ay tila binitiwan ng isang malakas na kamay na nakikipaghatakan. Nagaid ang lambat!ang lambat ay nagawak.

Talagang uuwi na siya. Ibig niyang makarating sa Tangos. Ibig na niyang mamahinga. Nauna sa Tangos ang kanyang kamalayan. Umuwi na sa Tangos. At tila isang tabing ang nataas sa kanyang isip. Nakikita niya ang mga lantsa ni Don Cesar na lalong magigilas sa dampulay ng liwanag na nagbubuhat sa nagsasayang ounduhan nina Fides. Saglit na tumuon ang kanyang paningin sa tubig. Nagiti siya. Nakikita na naman siya ng kawan. Muling naganyak ang kanyang kalooban. Inapuhap ang nakabalot na mga dinamita. Binulatlat ang balutan. Kayganda ng dalawang bagay na iyon sa kanyang paningin. Makauuwi na siya nang may dalang isda, maraming isda. Makababayad na siya kina Fides. Sandali lamang ang pagsabog na niyon. Pupugungin na lamang niya ang lambat na napunit. Mapupuno niya ang Bangka bago dumating ang patrolya sa mga baybayin. Saglit na pinatay ang kanyang motor. Hindi na siya nayayamot. Naliligayahan na siya. Tila tugtuging kumikiliti sa kanya ang ugong ng kanyang motor. Kumilos ang kanyang lantsa.Pinahinto uli ang kanyang lantsa.Mapuputi ang maiikling mitsa ng dinamita.Maiging pinagdikit ang mitsa niyon, at kinamal ang dalawang bagay. Masisiyahan ang kanyang ina, paggising nito kinaumagahan. “Sinuwerte ako, Inang.” Hindi ipagtatapat na gumamit siya ng dinamita. Malulungkot ang kanyang ina. “Sinuwerte ako, Inang… Sinuwerte ako…!” kiniskisan ang posporo.Tumilamsik ang ga-buhanging baga.Ayaw magdingas ang palito. Idinikit sa gilid ng kanyang kilikili ang posporo. Nag-iniy.Ikiniskis uli.Hinipan ng hangin. Ikinubli niya ang pagkiskis sa labi ng Bangka at kinagat ng apoy ang palito inilapit, idinikit na mabuti sa dulo ng maikling mitsa ng dinamitang mahigpit sa kamal sa kanyang kamay, sumagitsit, sangkisap-mata lamang, sangsaglit lamang, mabilis, sumagitsit- parang kidlat na sumibad sa kalangitan at kaalinsabay halos ng siklab na sumugat sa gabi’y isang nakabibinging dagundong ang bumingaw sa buong kalawakan.

http://solomonannkristy.blogspot.com/2015/08/angmangingisdaniponcianobperalta_8.html?m=1


I. Pamagat (Ilagay kung bakit humantong ang may-akda sa ganitong pamagat)

 PAMAGAT:Ang Mangingisda 

 KAHULUGAN NG PAMAGAT 

Ang pangingisda ay isa sa mga pangunahing ikinabubuhay ng mga ttao sa ating bansa. Sa kwentong ito nakita natin ang buhay ng pangunahing tauhan na isang mangingisda. Pagod at hirap ang kinakaharap niya sa bawat araw sa pag asa na balang araw ay maiaahon niya sa kahirapan ang buhay nilang mag-ina. 


II. May-akda (ipakilala ang may-akda)

Si Ponciano B. Peralta Pineda ay isang manunulat, guro, linggwista at abogado. Nagtapos sa Unibesisdad ng Santo Tomas. Itinuring si Ponciano Pineda bilang “Ama ng Komisyon sa Wikang Filipino” dahil sa pagsulong niya na maitatag ang komisyon batay sa Seksiyon 9 ng ating Saligang Batas. Siya ay naging direktor ng Komisyon sa Wikang Filipino na dati ay Surian ng Wikang Pambansa sa taong 1971 hanggang 1999. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, sinimulan ni Pineda ang mga sosyo-linggwistikong pananaliksik, na layong palaguin ang wikang pambansa. Isa na rito ang patungkol sa repormang ortograpiya ng wikang Filipino. Sa ilalim ni Pineda ay may malaking pagbabago sa mga patakaran ng wika: ang bilingual na edukasyon sa taong 1974; Filipino bilang pangunahin at pambansang wika sa 1983 ng mga Pilipino; at alpabetong Pilipino na binubuo ng 28 titik sa 1987. Itinatag ang 12 Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino sa buong kapuluan.


III. Uri ng Akdang Pampanitikan 

Ang akdang, Ang Mangingisda ay isang prosa sapagkat ito ay isang maikling kwento. 

IV. Nilalaman

a. Tauhan

Ang Mangingisda- pangunahing tauhan. Siya ay may mataas na pangarap na magkaroon ng maginhawang buhay balang araw at magkaroon ng lantsa kaya ng kay Don Cesar. 

Ina ng mangingisda- ang walang sawang nagpapaalala sa kanyang anak na huwag makakalimot sa maykapal. Sinasabihan din niya ang kanya anak na makontento na lamang ito sa munting bangka na mayroon sila. 

Don Cesar - isang mayamang tauhan ng kwento na tila kinaiinggitan at tinitingala ng mangingisda dahil sa mga lantsang mayroon ito. 

Fides - nagmamay-ari ng punduhan na kinauutangan ng gasolina ng mangingisda.


b. Tagpuan

Laot/ dagat-

Sa punduhan nila Fides


c. Balangkas (Buod)

Ang mangingisda ay may mithiing gustong makamit para sa ikakaunlad ng buhayniya at ng kanyang ina. Siya ay gaya rin ng isang ordinaryong mangingisda na minsan aysiniswerte kaya't nakapag-uuwi ng maraming isda ngunit madalas ay minamalas dahilanng hindi sapat ang kanyang inuuwing isda. Sa kakulangan ng kanyang huli ay hindi sapatang kanyang kita para sa kanila ng kanyang ina at pati na rin sa bayad ng utang niyanggasolina. Sa kanyang paglaot ay lagi niyang napagmamasdan ang mga lantsa ni DonCesar na nagliliwanag at ang mga tao ay maiingay sa punduhan nila Fides. Ito angkanyang naging lakas at pag-asa na nagtulak sa kanya upang magsikap na makapag-iponpara makabili rin ng sariling lantsa. Nang makabili siya ng motor ay lubos siyangnasiyahan pati na rin ang kanyang ina dahil naniniwala siyang mag-uumpisa na silangguminhawa ngunit siya'y nagkamali dahil sunod-sunod na tatlong araw siyang minalas.Dahil sa kanyang kamalasan ay naisip niyang gumamit ng ipinagbabawal na gawain sapanghuhuli ng isda, ang paggamit ng dinamita. Sa kanyang pagiging desperado aygumamit siya ng dinamita upang makahuli ng maraming isda para matuwa ang kanyangina at makabayad na siya ng utang na gasolina kay Fides dahil hindi niya kayang isanglaang kanyang motor. Pagdaong niya kinaumagahan ay masaya niyang binalita na maramiang kanyang nahuling isda sa kanyang ina ngunit hindi binanggit na gumamit ngdinamita, malungkot ang kanyang ina. Sa kanyang nakakubling kamay ay may hawak nadinamita.Ikiniskis niya ang posporo at dinikit sa mitsa ng dinamita na naging dahilan ngpagsiklab nito at bumuo ng nakakabinging dagundong sa buong kalawakan

V. Taglay na Bisa (Damdamin, Kaisipan, Asal)

•Bisang Pandamdamin 

Matapos mabasa ang akdang ito ako ay nakadama ng kaunting kalungkutan. Nababatid ko na mataas ang pangarap ng mangingisdang ito para sa kanilang mag ina subalit dahil sa kahirapan ay hindi niya magawang maibigay ito sa kanyang ina. Dahil sa labis na hangaring ito ay nagawa niyang gumamit ng ipinagbabawal na pangingisda na sa huki ay ikinapahamak niya. 

•Bisang Pangkaisipan 

Sa kwentong “Ang Mangingisda" ilan lamang sa ating maaaring matutunan ay ang labis na paghangad ng mga bagay ay maaaring magdala sa ating sa kapahanakan. Mas mabuti pang makuntento na lamang sa kung ano ang meron sa kasalukuyan habang nag aantay sa biyaya na nakalaan para sa atin sa hinaharap. Hindi sulusyon na gumawa ng masama para lang makamit ang hinahangad. Mas masarap padin lasapin ang tagumpay kung ito ay nakamit sa maayos na paraan. 

•Bisang Pangkaasalan

Buhat sa mga pangyayari sa kwentong ito, makikita natin na hindi sulosyon na madaliin natin ang mga bagay upang makamit lamang ang ating hinahangad. May tamang panahon na nakalaan para sa bawat isa. Gawin lamang natin ang nararapat, magsikap para sa pangarap  at makikita na lamang natin balang araw ay kakamitin natin ano.man ang ating hinahangad. 


VI. Kamalayang Panlipunan

Ang kahirapan ay laganap saan mang panig ng bansa. Ito ang nagiging dahilan kung bakit maraming tao ang kumakapit sa patalim. Sa kwentong ating nabasa makikita natin na alam ng mangingisda na ipinagbabawal ang pag gamit ng dinamita ngunit dahil sa mithiin niya na.makarami ng huli ay itinuloy paden niya ang pag gamit nito na sa huli ay siya rin ang naperwisyo. 

Isa pa sa kamalayang panlipunan na makikita sa kwentong ito ay ang pagkasira.ng likas na yaman dahil sa kawalanghiyaan ng mga taong mapang abuso. Ang mga likas na yaman ay ibinigay sa ting upang tayo ay mapabuti kaya huwag natin itong sirain. 


Popular posts from this blog

MABANGIS NA LUNGSOD ni Efren R. Abueg

TATA SELO Ni Rogelio Sikat